Umalis ang Team PMI papuntang CamSur nung Thursday ng gabi, Aug. 20 sakay ang Isarog Line Lazy Boy Extreme. Dumating kami sa CWC ng 5:30 ng umaga ng Friday.
Nag ayos ayos, nag check in, tapos sinubukan ang bike route kasama ng Pro Athletes mula sa iba’t ibang parte ng mundo.

Easy and slow lang daw. Pero anong nangyari? Nagpukpukan nang nag pukpukan. Edi naki pukpok narin ako. Takbo ko pinakamababa, 40kph. Laspag ang lolo mo. Awts.
Pagtapos ng bike, kailangan kumain. Buti nalang nandyan si Ate Cel, dinalhan kami ng masarap na pagkain. Di kasi kaya ng powers ko ang Florabel at Melo’s.

Tapos, bilang official mekaniko ng Team, nag palit ng mga gulong, nag check ng mga bike.

Nag swim kami kinabukasan. Maligamgam ang tubig. Ang sarap. Unti unti na kong kinakabahan dahil sa liit ng lalanguyan at sa dami ng sasali, first time ko makaranas ng ganito karami kasabay lumangoy. Mejo mabigat pa ang tubig. Mas mabigat pa kaysa sa swimming pool. Nung hapon, nag check in na ng bike. Dinasalan ko ang bike ko. At tinignan ang daan daang magagarang bike sa transition. Andun pa nga si Tessa Prieto. Ang cute niya. At ang mister niya.
Natulog ng maaga.
Kinabukasan, race day na! Natuwa ako ng nakita ko ang aking mga angels. Mga studyante ko sila sa spinning at sa takbo. Sina Boots and Lory. Ang galing nila, nakapag 21k na sila at ilang buwan nalang ng pagpipilit, magt’triathlon narin. Nagmula pa sila ng Manila. Naunsyame ang biyahe. Naiwan ng eroplano kaya nag bus nalang para makaabot sa CWC at sumuporta.

Swim start: Di ko malaman gagawin ko. Di ko alam san ako pupuwesto. Baka madaganan lang uli ako sa swim. Nang malapit na mag start, ilang minuto nalang, pumwesto na rin ako sa bungad. Bahala na si batman. Sa dami ng iniisip ko nakalimutan kong ibaba na ang aking goggles at i-set ang relo. Nang lumingon ako sa paligid ko, nakita ko ang mga katabi ko reading-ready na at naka starting stance pa. Aba Aba Aba! Game na pala! At pagputok ng baril, sumunod lang ako sa mga foreigner na katabi ko na feeling ko malakas mag swim at mahahati ang pack. At yun nga ang nangyari kaya nakalusot ako sa grupo na mabilis. Bumubunggo sa mga boya minsan. Kinakabahan baka mahulog ang pustiso. Kampay ng kampay hanggang mamatay.
Pagtapos lumangoy ng 1.2k sa malaking lake , umahon at tumakbo papunta sa maliit na lake para tapusin ang 700m. Hingal na hingal ako ng tumalon uli sa tubig. napabilis ata ang takbo ko papunta sa lake. 35min, natapos ko ang swim. Sa wakas, natapos din!

Takbo papuntang T1, isip isip san ang aking bike transition bag. Bike na! Territoryo ko naaaaaa!!!!!! Patay kayo lahat sakin!!!! Ang bilis talaga ng karma. Wala kasi ang damit ko sa bike bag ko. Hanap ako ng hanap. Nasa run bag ko pala ang jersey ko. Di pa ko nag helmet, di pa nag shades pumunta sa bike ko at hinalungkat ang gamit dun. Buti nandun ang jersey. Ang tagal ko tuloy sa transition.
Dali daling kinuha ang bike, pumunta sa mount area at humarurot! 25k palang ang dami ko ng naabutan. Ang sarap ng pakiramdam. Ang tulin ko. Maraming foreigner naabutan. Pero ang daming makulit na nagd’draft sa akin. Parang tuko kung kumapit. At hindi lang yun. Kapag pinauna ko naman sila, di naman sila lumalayo at gumagawa ng gap tuloy, ako ang gumagawa ng gap. Bumabagal ako para gumawa ng gap. Hirap na, baka mahuli at sabihing nag d’draft ako. Ayoko mandaya. Dadayain ko lang sarili ko. Hanggang sa pag u-turn mayron pa akong mga inabot at dumami ng dumami ang makukulit na hindi alam ata ang ibig sabihin ng drafting. Dahil sa marami na kami mas lalo akong nag ingat kasi makukulit sila at pwede talaga kaming ma-DQ dahil sobrang dami na. Para tuloy akong nag-iinterval kasi pag ako ang nasa una at nakatutok sila saakin at pag bumilis na sila pumupunta lang sila sa bungad ko, hindi sila gumagawa ng gap. Ako pa tuloy ang bumabagal. Tapos itotodo ko nanaman para maunahan sila. Ang hirap mag maintain ng speed. Tapos yung huli kong inabutan, dun na ko nalaspag ng todo. May gap ako na 4 bikes sa grupo sa harapan ko tapos pumasok siya sa harap ko. Kaya ako nanaman ang bumagal para magbigay ng gap. Sa sobrang pag interval ko nalaspag ako ng todo. Nalaspag ako dahil sa kanila. Bumagal na ko ng bumagal, nawalan na ko ng gana mag bike. Takbo ko ay 35kph nalang. Sobrang bagal nakikita ko na ang mga langgam na tumatawid sa kalsada. Usad pagong. Sorry ha. Pero mayabang talaga ko pagdating sa bike. At territoryo ko ang bikol. Ako kaya ang Tour of Bikol Champion nung 2001. hahah. Antagal na. Pero lahat ng filipino pro cyclist kasali dun. Pero sige na nga, sa susunod nalang na karera. Magdadala ko ng camera. Pipicturan ko talaga ang mga nagd’draft. Di ko papangalanan pero i’z'zoom ko. para sila na mismo mahiya. Ipopost ko sa facebook, multiply at mga egroup. joke joke joke!
Eto na ko sa transition. Nararamdaman ko na ang pulikat

Kakasuot ko lang ng running shoes ko. Pinupulikat na ako. Sa aking kanang paa, makikita niyo ang aking pang-harumintado drink. Ang Bacchus enery drink. I love my bacchus. Pero di ko maabot sa tindi ng pulikat ko. Di ko talaga madampot. Pinagtatawanan na ko ng mga nanonood. Umupo uli ako at saka ko siya nadampot. Nilaklaklak ko ang bacchus at tinakpan ang pangalan sa lata. Cobra kasi ang karera. haha. Tinamaan kagad ako at tumulin ang takbo. Kahit ako, nagulat. Pakiramdam ko lumilipad ako. Wala pang 2k ayan nanaman ang cramps. Humilata na ko sa kalsada. Nasa kamay ko parin ang lata ng bacchus. Buti nalang hindi ako hinagisan ng barya ng mga dumadaan. Nakita ako ng marshall, tinanong kung kaya ko pa. Yes i can, uragon ito sabi ko sa kanya. Hinimas niya ang hita ko at tinanong, “bakit ganito ka laki ito?” Parang bastos, ah. Tinanong niya ko kung kaya ko maglakad papunta sa ambulance. Aba, pinaglakad pa ako. Edi lumakad ako. Pagdating sa ambulance pinasasakay niya ko. No way! Kaya ko pa. Sabi ko, ” pahingi ng pamunas para sa pulikat” At ang binigay niya sakin ay satin na pamunas. Literal na pamunas. Sabi ko, ” wala ka bang iba diyan?” Inabutan ako ng Good Morning towel! Ako ang nagkamali. Dapat sinabi ko pamahid. As in Omega okaya Ben Gay. Pero wala naman pala talaga sila nun.
Kulang kulang mga 30minutes na ko nakatigil. Nag decide ako gumalaw uli. Baka sakaling kaya ko naman maglakad. Think positive! Wg aayaw! Patalikod akong naglakad. Baka sakaling umokay ang pakiramdam. Sabi ng mga nanonood baka arthro daw ang nainom kong vitamins. Patalikod kasi lakad ko. Ilang sandali lang, naka-recover ako. Himala! Mukhang may bisa ang Good Morning towel ni manong.
Nagsimula akong mag jog at pabilis na ng pabilis. Kahit sobrang init ng panahon di mo mararamdaman dahil sa maraming nanonood sa daan. Nga batang nakangiti at nag-ch’cheer ang nagbigay lakas sa akin. Ayan na. nararamdaman ko na. Bumibilis na uli akong tumakbo. Malapit na ko maka-isang ikot sa may big lake ng may umabot sa akin na foreigner at kinausap niya ko ng English. Hay nako. Nabawasan nanaman tuloy ang lakas ko. Yes lang ako ng yes. Yon, nagkaintindihan naman kami. Ewan ko kung ano yung tinatanong niya. Di ko na siya sinabayan, baka kasi kausapin nanaman ako. Mahina tayo diyan.
Pangalawang ikot, nakasalubong ko na ang mga target ko. Natantya ko na kaya ko abutin ang mga ibang lumagpas sa akin kanina. Bawat liko, inoorasan ko kung kailan at kung saan at kung paano ko sila aabutin. Sa mga target ko, si Jumbo Tayag lang ang hindi ko inabot. Ang bilis niya ngayon. Si Abe Tayag naman, hindi ko na pinangarap i-target. Ang layo niya na talaga. Pero ang target ko lang naman talaga ay ang ma-beat ang oras ko sa whiterock na 4.57. Naka-recover na talaga ako. Lahat ng kakilala ko, chini-cheer ko at kinakausap ko habang tumatakbo.
Malapit na sa finish line. Kailangan pogi pag dating sa finish line. Inayos ko ang jersey ko. Ang cap. Inalis ang shades, nilagay sa ulo. inaayos ang race belt. At siyempre, dapat strong finish. Fresh na fresh. Parang walang nangyari. Eto ako sa last loop. Naririnig ko na ang ingay sa finish.

Eto na ko sa finish

Di ko na-beat ang oras ko. Nalungkot ako ng sobra sobra. Nag muni muni ng matagal.

Saan? Saan ako nagkamali? Edi sa bike!!!!!!!! Ensayo pa. Nagpabaya kasi ako sa ensayo sa bike kasi alam kong malakas ako dun. Ayan tuloy. Tinodo ko ng tinodo kala ko kaya ng katawan ko. Kala ko bata pa ko na sumasali sa Tour. Nalaspag tuloy ng matindi. At hanapin dapat ang solusyon sa pulikat. Lagi na ito nangyayari sa akin. Hindi na biro.
Pero hindi bali. Masaya naman talaga ang experience. Lalo na kung kasama ang mga kaibigan sa hirap at saya. Nakaka-inspire mapanood ang lahat ng kumakarera at makinig sa iba’t ibang kuwento ng bawat isa. Oo, hangang hanga ako sa mga pro athletes pero sa totoo lang, mas na-inspire ako sa mga nakita ko sa daan na mga ibang age grouper na hirap na hirap na pero dama mo na hindi nila naisip kahit isang segundo na mag-quit. Damang dama ko sa mga ngiti nila sa finish line ang sarap ng kanilang tagumpay.